Sa aking paghiga sa
kama, rinig ko ang himig ng aking mga mata na nagsasabing ayaw pa niyang
humimlay. Siya’y tumingin pakanan upang tanawin sa bintana ang nag-aawitang
bituin. Paglipat sa kanyang kaliwa, malalim na ang tulog ng kanyang kapatid.
Inobserbahan ko ang aking kapatid at nakita na ang umbok sa bilog ng
kaniyang mga mata ay napakabilis na gumagalaw habang siya ay nakapikit.
Isang pahiwatig na ito’y nananaginip.
Parang ako’y naiinggit.
Sige, tara na. Pumunta na tayo sa sinasabi nilang yugto ng pagtulog. Pagkapikit,
unti-unti na akong pumapasok sa unang yugto—ang pagkaantok o
mababaw na tulog. Sa yugtong ito, ang mga kalamnan ko ay narerelaks at ang mga
signal sa aking utak ay iregular at mabilis. Sa yugtong ito ay maghihintay ako
ng limang minuto bago makaakyat sa
susunod na nibel.
At ito na nga,
ikalawang yugto—ang aktuwal na pagtulog—kung saan ko karaniwang ginugugol ang 20 porsiyento ng aking pagtulog sa gabi, mas malalaki na ang
signal sa utak. Maaaring pumasok sa aking isipan ang di-magkakatugmang mga
kaisipan o mga guniguni, ngunit wala akong kamalay-malay sa aking kapaligiran
at hindi na ako makakita kahit na nakadilat. Ayan na, ito na ang pinakahihintay
kong baiting. Nangangamoy panaginip na.
Kasunod nito ang ikatlo at ikaapat na mga yugto—ang mahimbing at pinakamahimbing na tulog. Sa yugtong
ito ngayon napakahirap ko nang gisingin, yamang ang karamihan ng dugo ko ay
napupunta sa aking mga kalamnan. Sa panahong ito nagaganap ang panunumbalik at
pagkukumpuni sa aking katawan – tumitibay, lumalaki, lumalakas.
SA WAKAS! Naramdaman ko na ang pagkapanalo. Panaginip, o’ kay
tamis, kay saya o kahit ano pa man. Ikaw ang nagbibigay sigla sa aking
paggising. Tulad
ng computer, sinusuri ng utak ang imbakan ng panandaliang memorya, anupat
binubura ang di-mahahalagang impormasyon at iniingatan ang ibig na manatili
nang matagal. Ang napakadalang na pagkamit siklo ng panaginip ay nagbubunga ng
mga problema sa emosyon.
Ang mga taong kulang na kulang sa tulog ay hindi makapagtuon ng
pansin nang matagal, malilimutin at hindi agad makapagpahayag ng sasabihin nila,
humihina ang kakayahang mag-isip nang makatuwiran, at nababawasan ang pagiging
malikhain. Kaya lasapin ang bawat panaginip at huwag ng mamoblemang tungkol sa
kahulugan nito sa ating buhay. Ang pagkamit sa yugtong iyon ay isang tagumpay
para sa panibagong pagmulat.